h1

Writer’s Block

April 19, 2010

“Ang bawat manunulat ay nagkakaroon ng suliranin sa pagsusulat.”

May napanood akong sitcom kanina lamang tungkol sa isang manunulat na laging may writer’s block. Naisip ko tuloy, iisa pa lamang ang nasusulat kong post dito sa aking blog para sa buwan na ito. Samantalang walong posts lagi ang minimum na nasusulat ko buwan-buwan. Writer’s block na kaya ito?

Ang huli kong naisulat ay ang tula at blog na handog ko sa aking kaibigang pumanaw kamakailan lamang. Binuhos ko na ang kakaunting kaalaman ko sa pagsusulat para sa post na yun na parang wala nang natira pa sa akin. Hindi naman kasi ako talaga sumusulat ng tula, pero dahil sa sobrang emosyon na naramdaman ko noon, nagawa ko ang tulang iyon.

Marahil dahil na din sa kagustuhan kong higitan ang huli kong naisulat kaya wala na akong maisip na paraan para higitan pa ito.

Hindi naman madalas mangyari sa akin na nabablanko ang aking utak. Noong nag-aaral pa ako, sa tuwing may exam at wala akong maisagot. Hindi dahil nablanko ako noon kundi dahil hindi ko talaga alam ang sagot. Alam ko kung kailan nabablanko ang utak ko at kung kailan wala talaga itong alam. May mga pagkakataon naman na para akong nanganganak kapag nagsusulat. Pagkatapos kong mailuwal ang isa, nakalabas na ang ulo ng isa at kung minsan ay may isa pa. Pero ngayon bigla akong naging baog.

Pero may sumisipa naman sa aking sinapupunan kung minsan. May mga paksa na tumatakbo sa isip ko na gusto kong talakayin dito sa blog ko. Pero hindi ko lang talaga alam kung paano sisimulan at kung ano ang isusulat ko. Naisip ko din na tuluyan ko nang iwan ang blog na ito. Hanggang sa naisip ko na sayang naman. May kaunting fans na ako sa facebook. Tinatanong nila kung bakit wala pa akong bagong naisusulat.

Naalala ko din nung ako ay nagtatrabaho pa. Kapag may pinapagawa sa aking mga music video, posters at photo montage – hindi ko ito nagagawa ng maganda lalo pa kapag yung tipong minamadali ka ng boss mo. Pero kapag nagkukusa ako at natipuhan kong gawin ang trabaho in advance, nagagawa ko talaga ito ng maganda.

Ganon din nung mga panahong sumasali ako sa mga paligsahan sa pagsulat ng sanaysay. Kapag pakiramdam ko ay walang kwenta ang paksa na binigay at wala kaemo-emosyon, natatalo ako. Katulad na lamang kapag tungkol sa paaralan mo ang isusulat mo. Susulat na lang ako basta. Pero kapag yung tipong tungkol sa Pasko, pagmamahal at pamilya, walang tigil ang ballpen ko sa pagsusulat na umaabot pa sa puntong hindi ko na alam kung paano tatapusin. Doon talaga ako nagwawagi.

Hindi naman ako makapagbigay ng payo kung paano maiiwasan ang writer’s block. Dahil kahit ako nararamdaman ko ito ngayong isa na akong blogger. Dapat siguro ang isipin na lamang natin ay ganito – ang bawat isang tao ay araw-araw nakikipanayam at maraming tao ang nagsusulat para makipanayam. Subalit iilan lamang ang nangangahas na tawagin ang sarili nila bilang “manunulat”. Kung mayroong pagkakataon na pakiramdam mo ay nagpapanggap ka na lamang, huminga ka nang malalim at isipin ang iyong tunay na layunin at kung gaano ito kahalaga sa iyo at sa mga taong kinakausap mo sa pamamagitan ng iyong pagsusulat. Kung wala pa rin, gumawa ka ng isang katauhan, tapos ay sumulat ka suot ang iyong maskara.

Happy writing!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: