h1

Pinoy Newsmakers of 2011

January 13, 2012

“Matuto mula sa nakalipas upang mapaghandaan ang bukas”

Isang taon na naman ang magtatapos. Isang taong punong-puno ng kulay. Muli nating balikan ang mga Pinoy na nagbigay-kulay sa taong 2011. Sino nga ba ang dapat taguriang Pinoy Newsmaker of 2011?

Beauty Pageants

Namayagpag ang gandang-Pinay sa taong 2011. Sinasabing gumising na daw ang “sleeping powerhouse” pagdating sa larangan ng pagandahan. Sapagkat halos lahat ng ating pambato ay nag-uwi ng karangalan para sa ating bansa mula sa mga international pageants.

  1. Athena Mae Imperial (Miss Earth-Water 2011, Miss Philippines-Earth 2011) – Balot ng kwestiyon at kontrobersya ang pagkakakamit ni Athena ng titulong Miss Earth-Water o ang ikatlong pwesto sa nagdaang Miss Earth 2011. May nagsasabing ang height at looks ni Athena ay hindi pasok sa international standards. Nakisakay lamang daw ang Miss Earth Foundation/Carousel Productions sa pagkakapanalo ng madaming Filipina ngayong taong ito sa mga international pageants. Sa Pilipinas ginanap ang Miss Earth sa taong ito matapos iurong ng organizers ang pagdadaos nito sa bansang Thailand dahil sa malaking pagbaha na naganap sa lungsod ng Bangkok. Bagamat madami ang natuwa sa pagkakapanalo ni Athena, madami din ang nagtaas ng kilay.

    Shamcey Supsup (Bb. Pilipinas-Universe 2011, Miss Universe 2011 3rd Runner-up)

  2. Danica Magpantay (Ford Supermodel of the World 2011, Ford Supermodel of the World-Philippines 2011) – ang Ford Supermodel of the World ang isa sa pinakaprestihiyoso at pinakamalaking international modeling contest kung saan humigit kumulang sa limampung bansa ang sumasali taon-taon simula pa noong taong 1981. Matapos ang pagkakamit ng Pilipinas ng ikalawang pwesto noong 2010 sa pamamagitan ni Chat Almarvez, Pilipinas naman ang nagkamit ng titulo ngayong taong ito. Si Danica ang kauna-unahang Filipina at pangalawang Asian na nag-uwi ng karangalan.
  3. Dianne Necio (Bb. Pilipinas-International 2011, Miss International Semifinalist) – Nabigo man si Dianne na iuwi ang ikalimang Miss International title ng Pilipinas, proud pa din ang mga Pinoy sa kanya. Nakita natin kung paano binigay ni Dianne ang lahat para katawanin ang Pilipinas. Kahit na nararamdaman pa niya ang sakit sa pagpanaw ng kanyang ama. Ginawa niya itong inspirasyon para paghusayan sa Miss International 2011. Hinirang si Dianne bilang isa sa mga semifinalists at nakamit din niya ang award na Miss Internet Popularity.
  4. Gwendoline Ruais (Miss World Philippines 2011, Miss World 2011 1st Princess) – Pinagbunyi ng mga Pinoy ang pagkakamit ni Gwen ng ikalawang pwesto sa Miss World 2011. Natapatan niya ang pinakamataas na pwesto na nakamit ng Pilipinas sa Miss World na huling nakuha ni Evangeline Pascual noong 1973. Naging matagumpay din ang bagong franchise holder ng Miss World sa Pilipinas na si Cory Quirino dahil sa unang taon pa lamang ng Miss World Philippines ay nakapwesto na agad sila sa Miss World. May mga nagsasabing palabas lamang ito ni Julia Morley upang maengganyo ang mga magagandang Pinay na sumali sa Miss World Philippines. Pero kung totoo man ito o hindi, sigurado ako na sa susunod na taon ay mas madami ang nais makakuha ng titulo ni Gwen.
  5. Shamcey Supsup (Bb. Pilipinas-Universe 2011, Miss Universe 3rd Runner up) – Matapos ang major major 4th runner-up finish ni Venus Raj noong nakaraang taon, umangat naman ng isang pwesto ang Architecture Licensure Examination Topnother at UP Diliman Magna Cum Laude Graduate na si Shamcey Supsup sa Miss Universe 2011 na ginanap sa Sao Paolo, Brazil.  Simula pa lamang ng kumpetisyon, angat na angat na ang kagandahan at talino ni Shamcey. Hindi siya nawawala sa mga importanteng event na inorganisa para sa pageant. Sino din ang makakalimot sa pinasikat niyang “tsunami walk” na tanging siya lamang ang may kakayanang gawin? Madami ang nagsasabi na dapat ay siya ang nanalo o mas mataas na pwesto dapat ang kanyang nakamit dahil sa ipinamalas niyang pagsagot sa final question. Subalit gayunpaman, malugod pa ding sinalubong ng mga Pinoy ang pinakabagong reyna ng kagandahan sa Pilipinas.

Showbiz

Madaming ingay ang narinig mula sa industriya ng showbiz nitong nakaraang taon. May mga hiwalayan, pagbabalik, pagwawala, pagbubuntis, pag-aaway na para talagang palabas sa sine.

  1. Andi Eigenmann & Albie Casiño – June nagsimula ang blind item tungkol sa pagbubuntis ni Andi. Matapos ang ilang araw ay inamin ng ina ni Andi na si Jaclyn Jose na buntis nga ang kanyang anak pero hindi niya sinabi kung sino ang ama ng pinagbubuntis ni Andi. Madami ang speculations kung sino ang ama. Lumabas ang pangalan ni Jake Ejercito na anak ng dating pangulong Erap Estrada. Pero tinanggi ni Jake sa kayang Twitter account na siya ang ama ng dinadala ni Andi. Lumabas din ang pangalan ng batang aktor na si Albie Casiño na tinanggi din nung una subalit paglaon ay inamin din niya na siya nga ang ama. November 23 ng iniluwal ni Andia ang isang batang babae na pinangalanang Adrianna Gabrielle.

    Piolo Pascual and KC Concepcion

  2. Claudine Barretto – naging sentro ng kontrobersya si Claudine Barretto matapos itong gumawa ng eksena sa isang banko sa Quezon City. Matatandaang nagtangka magwithdraw ang aktres ng halagang 5 milyong piso mula sa joint account nila ng kanyang asawa na si Raymart Santiago subalit matapos ang halos isa’t kalahating oras ng paghihintay ay wala na daw diumanong laman ang account. Dito nagsimulang magsisigaw uminit ang ulo ng aktres. Dahil sa pangyayaring ito ay lumabas ang balitang hiwalay na sila ni Raymart. Hindi lamang ito ang unang isyu sa aktres ngayong taong ito. Napabalita din na may ibang lalake ang aktres na nagngangalang Martin Castro.
  3. Coco Martin-Maja Salvador-Matteo Guidicelli – Umugong sa showbizlandia ang suntukang naganap sa pagitan nina Coco Martin at Matteo Guidicelli nang matapos ang taunang Star Magic Ball noong September 3.  Ayon sa mga balita tinangka daw halikan ni Coco Martin si Maja Salvador noong gabing iyon na kinagalit naman ng boyfriend ni Maja na si Matteo Guidicelli. Isang araw matapos ang insidente, inamin ni Maja Salvador sa programang “The Buzz” na siya nga ang dahilan ng pag-aaway nina Coco at Matteo. Kasabay din nito ang pag-amin niya na magkarelasyon na nga sila ni Matteo. Mabilis namang naayos ang pangyayaring ito matapos magkapatawaran ang dalawang aktor.
  4. Eugene Domingo – Hindi maitatanggi na tuloy sa 2011 ang pag-arangkada ng career ni Eugene Domingo. Nagpapatunay dito ang siyam na pelikula na kinabilangan niya ngayong taong ito. Kasama pa dito ang mga awards niyang natanggap mula sa FAMAS, Cinemalaya at MMFF. Si Eugene ang nagpapatunay ang talento at dedikasyon ang susi ng tagumpay ng isang artista.
  5. John Lloyd Cruz-Shaina Magdayao-Ruffa Gutierrez – Sinong makakalimot sa pang-aaway diumano ni Shaina kay Ruffa dahil kay John Lloyd. Nagsimula ang lahat sa birthday concert ni Vina Morales kung saan nakatanggap diumano ng text si Ruffa mula kay Shaina na nagsasabing “shut up” na ang ibig sabihin ay tigilan na sila ni John Lloyd. Lumabas din ang haka-haka na hiwalay na ang magkarelasyong sina Shaina at John Lloyd. Sa huli naman ay nilinaw ng dalawa ang isyu na hindi si Ruffa ang dahilan ng problema sa kanilang relasyon.
  6. DJ Mo Twister at Rhian Ramos – Naging masalimuot ang paghihiwalay ng dalawang artista. Nauna na dito ang pakikipagbreak daw ni Rhian sa Twitter kung saan nagpalitan pa ng mga salita ang dalawa. Lalo pa itong naging masalimuot kung saan lumabas ang isang video ni Mo Twister na kung saan makikitang nag-iiyak ang TV Host dahil sa diumanong nakatakdang pagpapalaglag ni Rhian sa kanilang sanggol noong 2010 sa Singapore. Sinundan pa ito ng isang video kung saan makikitang nagkukulitan at naghahalikan ang dalawa. Itinanggi ni Mo na siya ang nag-upload ng mga videos. Ipinabili na daw niya ang kanyang laptop at binura ang mga files nito bago niya ipagbili. Pero may mga nagsasabing si Mo mismo ang nag-uupload ng mga videos upang sirain ang reputasyon ng aktres. Sa kasalukuyan ay sa New York na naninirahan si Mo Twister habang si Rhian ay nagpahinga muna sa showbiz dahil sa “trauma” na idinulot ng pangyayaring ito.
  7. Nora Aunor – Sinalubong ng madaming fans ang pagbabalik sa Pilipinas ng tinaguriang Superstar ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor. Agad ding pumirma ng kontrata sa TV5 ang batikang aktres. Nagkaroon ng teleserye si Ate Guy sa kapatid network na pinamagatang “Sa Ngalan ng Ina.” Kabi-kabila din ang pangtanggap ni Nora ng mga awards mula sa iba’t ibang award-giving bodies sa bansa. Kabilang dito ang mga awards na nagmula sa PMCP Star Awards, Cinemanila at Cinema One.
  8. Pilar Pilapil – April 14, 2011 nang matagpuan ng isang tricycle driver ang duguang katawan ng beteranang aktres at beauty queen na si Pilar Pilapil sa isang madamong lugar sa Antipolo City. Ayon sa imbestigasyon, sinasabing nacarjack ang sasakyan ng biktima at itinapon ito sa nasabing lugar matapos saksakin ng pitong beses. Sa kasalukuyan ay maayos na ang kalagayan ng aktres at patuloy pa din ang imbestigasyon sa nangyaring krimen.
  9. Shalani Soledad – Isa sa “most searched celebrities” si Shalani sa internet. Patuloy pa din ang paghohost ni Shalani sa “Wil Time Big Time.” Madami na ding nanggagaya sa hosting style n’ya. Lalo pang naging matunog ang pangalan n’ya nang isapubliko ang engagement nila ni Pasig City Congressman Roman Romulo na nakatakdang ikasal ngayong Enero.
  10. Vice Ganda – Lalo pang sumikat si Vice Ganda sa taong 2011. Inilabas din niya ang kaniyang kauna-unahang studio album na may pamagat na “Vice Ganda: Lakas Tama”. Nasundan pa ito ng isang TV show, ang “Gandang Gabi Vice” na nasundan pa ng isang box office movie na “Praybeyt Benjamin.”
  11. Willie Revillame – Naging kontrobersyal na naman si Willie sa taong 2011. Matapos ng isang insidente sa dati niyang show na “Willing Willie” kung saan isang anim na taong gulang na bata na nagngangalang Jan-Jan ang sumayaw ng animo’y macho dancer sa niyang pacontest. Madaming nakapanood ng video sa YouTube kaya naman sunod-sunod ang bumatikos kay Willie at sa kanyang programa. Nasundan ito ang pagpuna ng DSWD at CHR. Madaming advertisers ang nagpull-out sa show. Nawala ang show ng ilang linggo sa ere at pinalitan ito ng “Wil Time Big Time.”
  12. Piolo Pascual & KC Concepcion – Ilang linggong umuugong ang haka-haka na hiwalay na daw sina Piolo at KC. November 27, tinapos na ni KC ang mga espekulasyon at inamin na niya sa palabas na “The Buzz” na hiwalay na nga sila ni Piolo. Naging kaabang-abang ang sinasabing tell-all interview niya kay Boy Abunda. Isang madamdamin at umiiyak na KC ang humarap sa publiko upang kumpirmahin na tapos na nga ang kanilang relasyon. Matapos ang interview ay madami pang tanong ang hindi nasagot at mas madami pang bulungan ang narinig.  Naungkat na naman ang mga tanong tungkol sa sekswalidad ni Piolo at kung ano ba talaga ang dahilan ng kanilang paghihiwalay na hindi tuwirang inamin ni KC. Hanggang ngayon ay usap-usapan pa din sa Twitter at Facebook ang isyung ito at naging tampulan ng mga jokes at internet bullying si Piolo Pascual.

Pulitika

Gaya pa din noong mga nakaraang taon, mainit pa din ang pulitika sa bansa. Kaliwa’t kanan ang bangayan ng bawat partido at pulitiko. Gayunpaman, nanatiling buhay ang pag-asa ng mga Pinoy para sa mas maliwanag na bukas para sa bansa.

  1. Elena Bautista-Horn – Bukod sa pagiging spokesperson ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, si Elena Bautista-Horn ay masugid na tagapagtanggol nito. Sabi nga nila, siya ang humaharang sa mga sibat na ibinabato kay GMA. Sabi naman ng iba, siya ay isang tuta na sa mahabang panahon ay patuloy pa din ang pagkuha ng gatas mula sa kaniyang ina. Kahit ano man ang sabihin nila tungkol kay Bb. Bautista, para sa akin ay isa siyang matapat na kaibigan na handang ialay ang buhay para sa isang kaibigan.

    Sec. Leila de Lima

  2. Heidi Mendoza – Sa isang bansang pinamumugaran ng mga taong walang ibang iniisip kundi nakawin ang pera ng taumbayan, may isang Heidi Mendoza na lumabas upang isumbalat sa publiko ang lahat ng ito. Si Heidi ang nagsiwalat sa publiko ng diumanao’y kurapsiyon na naganap sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Hindi niya inalintana ang magiging kapalit nito sa kaniyang buhay sa paghahangad na matigil na ang ganitong kalakaran. Dahil dito, ibinalik siya ng ating Pangulo sa paninilbihan sa pamahalaan bilang commissioner ng Commission on Audit.
  3. Miguel Zubiri – Dahil sa kabi-kabilang pag-aakusa sa kanya na sangkot siya sa dayaan sa halalang naganap noong 2007 at isa siya sa mga nakinabang dito, nagbitiw sa kaniyang pwesto bilang senador si Miguel Zubiri upang pangalagaan ang kaniyang pangalan. Madaming pumuri sa hakbang na ito na ginawa ni Zubiri.
  4. Overseas Filipino Workers – Hindi pa din matatawaran ang tulong na ibinibigay ng tinaguriang mga “bagong bayani” para sa ating bayan. Sa kabila ng mga kalamidad at kaguluhang pulitikal na naganap sa ibang bansa noong nakaraang taon, nanatili pa ding matapang at matatag ang mga Overseas Filipino Workers.
  5. Pangulong Noynoy Aquino – Ang patuloy na paglaban ni Pangulong Aquino sa kurapsiyon at pag-aakay sa mga Pinoy patungo sa “tuwid na daan” ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mataas pa din ang rating niya sa sa mga suveys. Kasama na din dito ang hindi niya pagtigil na pag-aakusa ng kurapsiyon sa dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Tulad ng dati, madami pa din bumatikos kay PNoy. Kabilang dito ang pagpaparty daw ng Pangulo kasama sa Christmas Party ng PSG sa kalagitnaan ng pangyayaring nagaganap sa Mindanao kung saan madaming kababayan natin ang namatay. Gayundin ang hindi maiwasang paghahalo ng personal na buhay sa kaniyang trabaho. Sa kabila ng lahat, patuloy pa din ang paglaban na ginagawa ng ating Pangulo para labanan ang katiwalian sa pamahalaan.
  6. Chief Justice Renato Corona – Simula’t simula pa lamang ng panunungkulan ni PNoy ay binabatikos na niya ang sinasabing “midnight” appointment na ginawa sa kanya ni GMA. Noong una ay tahimik lamang si CJ Corono, subalit nang umusad na ang kasaong impeachment laban sa kanya, lumabanan na ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Sa pagbubukas ng Senado ngayon Enero ay didinggin na ang kauna-unahang impeachment trial laban sa isang Chief Justice sa Pilipinas.
  7. Gloria Macapagal-Arroyo – Ang taong 2011 ay batbat ng pagsubok para sa dating pangulo. Nariyan ang pag-aakusa sa kaniya ng pandaraya sa nakaraang halalan. Gayundin ang ilang akusasyon ng katiwalian. Sinabayan pa ito ng iba’t ibang sakit na dumapo sa kanya. Tinangka ni GMA na magpagamot sa ibang bansa subalit naging bigo siya. Pilit na hinarangng pamahalaan ang tangka diumanong niyang pagtakas sa mga kasong kinakaharap niya. Sa kasalukuyan ay nakahospital arrest ang pangulo at patuloy pa din ang pagsasamba ng kaso laban sa kanya.
  8. Leila de Lima – Siya na nga ang pinakatanyag na miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino. Tinagurian din siyang “a lady with balls” dahil sa matapang niyang paninindigan. Hinaharap niya sa kasalukuyan ang kasong disbarment at contempt dahil sa diumano’y pagsaway niya sa kautusan ng Korte Suprema na payagang magpaggamot sa ibang bansa ang dating Pangulong Arroyo na mariin namang itinanggi ni De Lima.

Sports

Ang pagsikat ng Philippine Azkals, ang pagwawagi ng Dragon Boat Team at ang patuloy na pamamayagpag ni Manny Pacquiao ang nagpatingkad sa sports sa Pilipinas. Maraming nagwagi at marami ding nabigo. Sa kabila nang lahat, nanatili pa din ang pagkahilig ng Pinoy sa sports.

  1. Manny Pacquiao – Si Manny pa din ang idolo ng lahat ng hindi lamang mga kapwa niya boksingero kundi pati na din ang iba pang mga manlalaro sa bansa. Siya pa din ang pinakatanyag na boksingero sa buong mundo at napanatili niya ang kaniyang pwesto bilang “#1 Pound-for-Pound Boxer in the World.” Dalawang boksingero ang tinalo ni Manny ngayong taon. Ang una ay si Shane Mosley noong Mayo na sinundan ni Juan Manuel Marquez sa napakakontrobersiyal nilang laban noong Nobyembre.

    Philippine Azkals

  2. Philippine Dragon Boat Team – Sa kabila ng kawalan ng suporta mula sa gobyerno at hindi pagkilala ng Philippine Olympic Committee, nanguna pa din ang Philippine Dragon Boat Team 10th International Dragon Boat Federation World Championships na ginanap sa Tampa Bay, Florida noong Agosto. Limang ginto at dalawang pilak ang nakamit ng PDBT sa nasabing kampeonato.
  3. Philippine Volcanoes – Biglang sumikat ang sport na Rugby sa Pilipinas matapos lumabas ang Philippine Volcanoes, ang pambansang rugby union team ng ating bansa. Ilang mga kampeonato ang napagwagian ng Volcanoes at tinanghal din sila na isa sa pinakamagaling sa Asya. Bukod dito, naging kontrobersiyal ang PRFU dahil sa naglalakihan nilang billboards sa EDSA kung saan nakasuot lamang sila ng briefs.
  4. Smart Gilas – Dahil sa patuloy na pagwawagi ng Smart Gilas, umakyat ito ng walong pwesto sa world rankings. Nakuha din nila ang ikaapat na pwest sa FIBA Asia Championships matapos itong matalo ng South Korea. At sa taong 2012, madami pa daw dapat abangan para sa Smart Gilas Team.
  5. Philippine Azkals – Patuloy pa din ang pagsikat ng Philippine Azkals. Isa din sila sa top searches sa yahoo noong 2011. Di man nila nakuha ang kanilang paghahangad na mapabilang sa 2014 World Cup umaasa pa din sila na mapabilang sa 2015 Asian Cup. Kabi-kabila din ang mga endorsements na nakukuha ng mga miyembro ng Azkals.

Pagpanaw

Balikan natin ang mga Pinoy na hindi makakalimutan ang pagpanaw sa taong 2011. Ang karamihan ay hindi inaasahan at sa kasalukuyan at batbat pa din ng kontrobersya.

  1. AJ Perez – April 17 noon, Easter Sunday, nang magluksa ang mundo ng showbiz sa biglaang pagpanaw ng batang aktor na si AJ Perez o Antonello Joseph Perez. Pauwi na sana noon si AJ kasama ang kanyang ama, road manager, driver at event marshal mula sa isang show sa Dagupan Bangus Festival. Natutulog noon ang aktor nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang Partas bus. Nagtamo ng madaming sugat sa bahaging ulo ang aktor at agad na binawian ng buhay. Nakaligtas ang lahat ng kanyang kasama.

    Ramgen Revilla

  2. Angelo Reyes – Umaga ng February 8, binisita ni dating Secretary Angelo Reyes, kasama ng kanyang dalawang anak, ang puntod ng kaniyang ina sa Loyola Memorial Park sa Marikina. Pinauna niya ang kanyang mga anak upang maghintay na lang muna sa kanilang sasakyan. Matapos nito ay binaril niya ang ang bahaging kaliwa ng kanyang dibdib. Isinugod siya sa Quirino Memorial Medical Center subalit idineklara nang pumanaw. Ginawa niya ito matapos ang pag-aakusa sa kanya ng kurapsyon noong panahong nanunungkulan siya sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
  3. Tyron Perez – December 29, nang matagpuang walang buhay ang aktor na si Tyron Perez o Jojo Perez sa totoong buhay sa loob ng kaniyang kotse na nakaparada sa Ugong, Valenzuela City. Ang pagkalulong diumano ng aktor sa sugal ang tinuturong dahilan ng kanyang pagpapakamatay. May nagsasabi din na matagal nang may problema si Tyron at ang kanyang asawa.
  4. Ramgen Revilla – Isang masalimoot na pangyayari ang naganap ng paslangin ang batang aktor na si Ramgen Revilla sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Parañaque noong October 29, 2011. Lalo pa itong naging masalimoot matapos maging suspect sa pagpaslang ang mga kapatid ng biktima maging ang kanilang ina. Parang isang mahabang pelikula ang pangyayaring ito. Lumabas ng bansa ang kapatid nitong si Ramona upang takasan ang kaso. Napakarami na din pangalan at personalidad ang lumabas sa kasong ito. Isang sex video din sa pagitan ni Ramgen at kasintahan nitong si Janelle Manahan ang lumabas kamakailan sa internet. Marahil ay magiging mahaba at masalimoot pa ang kasong ito.

Masasabing makulay ang taong 2011. Masasabi din may mga sandaling nabalot ito ng dilim. Pero sa pangkalahatan ay muli itong nagbigay ng pag-asa sa bawat isang Pinoy na isang magandang bagong taon ang masisilayan.

Paghandaan ang 2012!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: