h1

My Simbang Gabi Experience

December 30, 2010

“Kasama sa pagpapayabong ng ating pagkatao ay ang pagpapatibay ng ating pananampalataya”

Sa dalawampu’t pito kong pananatili sa mundong ito, ngayon ko lamang yata nakumpleto ang Simbang Gabi. Kung nakumpleto ko man ito dati ay marahil noong ako ay nasa elementarya pa kung saan ang bahay namin noon ay katabi ng isang kapilya. Madaming beses ko na din sinubukang kumpletuhin ito. May pagkakataong anticipated mass ang dinaluhan ko para hindi ko na kailangang gumising ng maaga. Pero sa hindi ko na maalala pang dahilan ay hindi ko din nakumpleto ang Simbang Gabi.

Ngayong taong ito kailangan kong gumising ng alas dos ng umaga para maghanda sa pang-alas kwatrong Simbang Gabi. Matapos ang Simbang Gabi ay didiretso na ako sa byahe papunta sa aking trabaho. Isang sakripisyo para sa akin. Pero kinailangan kong gawin para sa pagpapatibay ng aking pananampalataya bukod sa pagkakamit ng aking kahilingan.

Saan nga ba nagsimula ang Simbang Gabi?

Ang Pilipinas ay kilala sa buong mundo dahil sa pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. At ang pagdiriwang na ito ay nagsisimula tuwing December 16-ang unang araw ng Simbang Gabi. Sa unang araw ng Simbang Gabi opisyal na nagsisimula ang Paskong Pinoy.

Ito ay nagsimula sa ating bansa noong panahon pa ng pananakop ng mga Kastila. Sapagkat noong panahong iyon, naging kaugalian na ng mga prayle ang pagmimisa sa lahat ng mga baryo sa bansa. Ang misa ay kadalasang sinisimulan ng napakaaga dahil sa maghapon ay kailangang magtrabaho ng ating mga ninuno sa bukid kung saan ang katanghaliang tapat lamang ang oras ng kanilang pahinga.

Noong mga panahon ding iyon, ang binibigay ng mga Pinoy sa mga prayle ay ang kanilang mga aning bigas, prutas at gulay. Gayundin ang mga ginagawa nilang kakanin. At ang iba naman dito ay binabahagi din ng mga prayle sa mga nagsisimba. Ito ang pinagsimulan ng pagtitinda ng puto bumbong, bibingka, suman at iba pang kakanin tuwing Simbang Gabi.

Ang pinakapaborito ko sa mga kakanin na ito ay ang puto bumbong. At ngayong taong ito, dininig ko ang panawagan ng aking tiyan para dito.

Ang Simbang Gabi naman ay magtatapos sa Misa de Gallo o Misa ng Tandang na ginaganap sa bisperas ng Kapaskuhan. Pinangalan ito sa tandang dahil isa ang tandang ay isa sa mga hayop na unang nakasaksi sa pagsilang kay Hesus.

Madami din akong napansin na mga kakaibang gawi ng mga Pinoy tuwing Simbang Gabi. Napupuno lamang ang simbahan tuwing una at huling araw ng Simbang Gabi. Marahil yung ibang tao ay nahihirapan nang gumising sa mga susunod pang araw.

Kapansin-pansin din ang mga kabataan na nasa labas lamang ng simbahan. Isang cathedral ang sinimbahan ko ngayong taong ito kaya madaming tumpok ng mga kabataan ang gumising ng maaga hindi para magsimba kundi para magtipon lamang sa harap ng simbahan. May nadinig pa nga ang kapatid ko na mayroong isang babae ang makikipagtagpo sa kanyang textmate.

Mayroon ding iba, kadamihan ay kabataan, na bago magsimula o sa kalagitnaan ng misa ay lalabas na ng simbahan. Siguro ay inaantok na sila o naiinip sa tagal ng misa. Ang sa akin lang, nagpakahirap sila sa paggising ng maaga para saan? Sila yung mga kabataan na tinawag naming jejemon. Sila yung mga nakapormang pangjejemon na hindi kayang tagalan ang misa. Pakiramdam ko tuloy, ang jejemon ang makabagong jologs.

Nabanggit din ng pari sa isa mga siyam na misa ng Simbang Gabi na kung makukumpleto man ng isang tao ang Simbang Gabi at hindi naman siya nagsisimba tuwing Linggo. Wala ding epekto. Para sa mga taong iyon, ang mahalaga lamang ay ang pagtupad ng kanilang kahilingan at hindi ang pagpapatibay ng kanilang pananampalataya.

Napansin ko din ang mga taong parang gigimik dahil sa kanilang kasuotan at hindi talaga pagsimba ang pakay. Kulang na lang ay gawing isang bar ang simbahan o fashion show ang misa. Ako ay isang taong naniniwala na ang fashion o moda ay kalayaan subalit sana man lang ay magsuot tayo ng nararapat sa okasyon o lugar na ating pupuntahan. Gawin sana nating katanggap-tanggap sa Panginoon ang ating sarili.

Sabi ko sa kaibigan ko, napakadaling kausap ni Lord sapagkat ilang oras pa lamang ang nakararaan matapos ang huling araw ng Simbang Gabi ay natupad na agad ang aking hiling. Hindi ko na lamang sasabihin kung ano ito. Dahil hindi naman talaga ito ang mahalaga. Ang mahalaga at napatunayan ko sa aking sarili na kaya kong magsakripisyo para makamit ang isang bagay na nais ko at ang pinakamahalaga sa lahat ay napagtibay ko pa ang aking pananampalataya sa ating Panginoon.

Hanggang sa susunod na Simbang Gabi!

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: