h1

Buhay HR

September 19, 2010

“Simulan ang bagong kabanata ng buhay ng may ngiti sa labi upang maging maligaya ang pagtatapos nito.”

Matapos ang mahigit sa isang taon ng pahinga…nagtrabaho akong muli!

Kung dati ay isa sa mga pinakamalaking outsourcing companies ngayon naman ay sa isa sa mga pinakamalaking manufacturing companies sa Pilipinas. At ngayon ay bilang bahagi ng Human Resources Department.

Kakatapos lang ng aking ikalawang linggo bilang HR. Masasabi kong mas madali ito sa aking dating trabaho. Mas madali pero mas malaki ang sweldo. Haha! O baka naman ngayon lang madali at pag tumagal ay mararamdaman ko na ang hirap. Hindi ko alam. Huwag naman sanang sobrang hirap. Pero hindi ko talaga aatrasan ang nasimulan ko na.

Bakit ko nga ba naisipan mag-HR? Unang-una medyo malayo ito sa kursong kinuha ko. Pero ngayon ay hindi na laging Psychology grads ang kinukuha bilang HR. Karamihan sa mga companies na nakikita ko sa internet ay naghahanap ng mga HR Reps na graduate ng mga Business at Communication Courses. So, medyo lumalapit na nga s’ya sa course ko.

So far, ang pinakagusto ko sa bago kong trabaho ay ang pagsasala ng mga applicants na nag-aapply sa internet. Nakakatuwang basahin ang iba’t ibang resume. Nakikita mo kasi kung alin ang tama at alin ang maling resume. Para sa akin kasi, dapat perpekto ang isang resume. Hindi ito dapat maglabas ng kahit anong kahinaan mo. Pero hindi naman ibig sabihin nito ay magsinungaling ka na.

Ngayong araw na ito ay mahigit sa isang daan ang nabasa kong resume. Pinipilit ko talagang basahin lahat. Naaawa kasi ako sa mga aplikante. Sobrang hirap kasing humanap ng trabaho sa panahon ngayon at alam kong umaasa sila na matatanggap kahit sa katotohanan ay hindi naman lahat sa kanila ay matatanggap.

Kapansin-pansin talaga ang ibang mga mali sa mga resume ng mga applicants. Ito ang ilan sa mga halimbawa:

  1. Strike-a-pose – Merong mga nagsusubmit na todo posing sa mga pictures nila. Merong kuha mula sa cellphone na sobrang halata dahil nakataas pa ang kamay nila. Meron namang kuha pa sa webcam ng isang internet cafe.  Meron ding whole body na ang pinapakita sa picture na 2×2 ang laki. Meron din naman na nagscan ng picture pero sobrang luma na at minsan pa ay madumi na ang picture. At ang pinakamatindi, mayroong isa na hubad pa sa picture. Sa totoo lang, hindi naman talaga kailangan maglagay ng picture sa inyong mga resume (depende sa inaapplyan at kung hinihingi ng kumpanya). Nabasa ko kasi sa isang article sa yahoo na hindi naman model ang inaaplyan para maglagay pa ng picture sa resume. Pero kung kinakailangan naman talagang lagyan ng picture. Huwag naman yung tipong nagpapictorial ka pa. Dapat ay ‘yung pormal ang dating mo sa picture at solid color ang background. Magsuot ng pormal na kasuotan at huwag ‘yung parang napadaan ka lang sa “picture me booth”. Kaugnay nito…huwag na ding ilagay ang height at weight sa resume pati ang kulay ng mata at buhok at kung ano-ano pa na para bang model ang inaapplyan mong trabaho.
  2. Job objective mo please… – sabi nang iba hindi na ito kailangan sa resume. Pero para sa akin, mas maganda basahin ang resume kung nakalagay agad ang iyong job objective. Kung maaari ay gawin itong simple at isang paragraph lamang na binubuo ng isa hanggang 3 sentences. Huwag naman yung sobrang haba na. Dapat maging clear ang job objectives at huwag yung tipong generic na ang dating. Irelate ito sa posisyon na inaapplyan. Ilagay dito ang iyong career goals na sinusuportahan ng iyong past experiences.
  3. Know your location – ito ay yung hindi mga nakinig sa subject na HEKASI nung Elementary at Social Studies nung High School. Madami akong nakikitang ganito. As in madami. Hindi alam ng iba kung saang region ang kanilang probinsya. Halimbawa…may isang aplikante na taga-Laguna pero ang region niya ay Southern Mindanao. Hindi ko alam kung mali s’ya ng naclick…pero hindi dapat mangyari ito. Mayroon namang isa na taga-Valenzuela pero Central Luzon ang region. Alam kung malapit na sa Bulacan ang Valenzuela pero NCR pa din po ito. Minsan kasi finifilter ng mga HR Reps ang mga applicants by regions. Kinukuha muna nila yung mga malalapit sa kanilang kumpanya. Sila kasi yung mas madaling makakapunta sakaling tawagan. Kaya kung mali ang location mo malamang hindi ka matawagan.
  4. WeirdEmailAddress@nakakainis.com – ito yung mga applicants na napakaweird ng ginagamit na e-mail. Hindi ko alam kung paano nila iniisip ang mga e-mails nila. Pero nakakainis basahin minsan. Kung gusto nila ipakita ang creativity nila sa kanilang e-mail address…sa iba na lang please! ‘Yun bang tipong ganito ang e-mail address: tanggapinmoakokunghindiaypapatayinkita@ok.com or angcutekotalaga@obviousnamandiba.com or brandosyete@gustomo.com. Dapat ang e-mail address ilalagay sa resume ay yung may pagkapormal katulad ng juandelacruz@yahoo.com or juana.rizal@gmail.com or jose_balagtas@hotmail.com. Dapat buong pangalan ang nakalagay sa e-mail address at hindi kung ano-anong alyas. Minsan kasi kinukuha ito ng mga HR Reps para i-email kayo para sa isang exam or interview. Isa pang payo. Gumawa ng ibang e-mail para sa mga applications mo. Huwag gamitin ang e-mail na ginagamit sa Facebook, Friendster, Multiply, YouTube at sa iba pang website na nakasubscribe ka (maliban sa mga job hunting websites). Mahirap kasing makita yung mga updates sa applications mo kapag sangkatutak ang mga notifications mo mula sa websites na yun. Kung maari din ay gumawa ng mga subfolders sa e-mail mo para doon na mismo dederecho ang mga e-mails galing sa iba’t ibang companies na inaaplyan mo.
  5. What’s your number? – kung maaari ay isa lamang ang cellphone number na ilagay sa resume. Ito yung cellphone na lagi mong ginagamit. Kung marami kang cellphone at meron kang simcard mula sa lahat ng networks, huwag mo nang ilagay sa resume lahat. Isa lang please. Malilito na ang HR Reps kung alin ba talaga ang tatawagan dito. Hindi kami naiimpress na madami kang cellphone at madami kang pambili ng loads. Ilagay din ang number ng inyong landline kung meron man.
  6. Of “course” not! – ilagay din ang tamang course sa resume lalo na dun sa mga nag-aapply online. Yung iba kasi engineering ang inilalagay tapos sa major ay vocational naman pala ang kinuha. Alamin muna sa qualifications at job description kung ano ba talaga ang hinahanap. Huwag kang mag-aapply kapag Engineering graduates ang kinukuha kung ikaw naman ay nagtapos ng Psychology. Sobrang layo nun! Kung medyo malapit sana baka pagbigyan pa pero kung sobrang layo naman ng course mo sa hinihingi ng trabaho. Huwag na lang…baka umasa ka pa…
  7. Events! Events! Events! – dun naman sa mga part ng events at seminars na napuntahan mo. Huwag nang ilagay yung mga pangyayari na hindi naman related sa inaapplyan mo. Yung tipong nag-aapply ka bilang Quality Assurance Analyst tapos ilalagay mo pa ang “Top 100 Bachelors Party, Quirino Grandstand, Manila.” Anong konek nun sa Quality Assurance? Huwag nang maglagay ng sobrang dami. Yung pinakarecent lang siguro. Pampahaba lang ito ng resume ninyo at nakakatamad nang basahin.
  8. Award ka dyan! – huwag nang ilagay ang award kung tipong ito ay team effort naman. Katulad ng “1st Place-Group Singing Competition.” Ok sana kung mag-aapply ka talaga na choir member pero kung mag-aapply ka naman bilang Call Center Agent, for example, huwag nang ilagay pa ito. Kung wala ka namang awards na nakuha since birth, wag nang mag-imbento.
  9. May trabaho ka! – ilagay lamang kung ano ang naging trabaho, kung kailan ka nagtrabaho dito at kung ano ang naging posisyon mo dito. Maglagay ng responsibilities mo sa trabahong ito. Huwag dito ipaliwanang kung ano ‘yun. Basta yung summary lang ng responsibilities mo. Huwag kang mag-alala itatanong ng HR Rep kung ano ‘yan.
  10. Org mo mukha mo – huwag nang mag-imbento ng kung ano-anong organization. Ilagay yung talagang organization kung saan ka member or officer. Kung member ka lang naman at wala ka naman nacontribute huwag mo na lamang ilagay at baka matanong ka pa sa interview kung ano ang naicontribute mo sa organization na nilagay mo tapos wala ka naman masagot.
  11. Close kayo?– maaari din huwag nang ilagay ang mga tao para sa iyong character references. Hihingiin ito ng HR kapag natanggap ka na. Ilalagay mo din ito sa isang form kaya huwag ka nang magpakahirap ilagay sa resume mo. Hindi din naman sila itatanong sa iyo sa interview. Dun naman sa mga naglalagay ng “available upon request,”huwag nang ilagay pa ang heading na Character Reference. Wala din naman eh kaya huwag nang ilagay pa. Kagaya ng nasabi ko, hihingiin talaga ito mula sa’yo ng mga HR Reps kapag nahire ka na para sa iyong character investigation. Hindi din siguro nakakatuwa kung puro close friends mo lang pala ang mga tatawagan para dito. Kapag hinihingi, maaaring ilagay dito ang mga dati mong supervisors/managers o kahit dating officemates. Maaari ding ilagay ang dating dean o professors mo nung college. Huwag nang ilagay pa ang baranggay chairman dahil makikita naman ito sa baranggay clearance mo. Huwag na ding ilagay ang kung sino-sino pang pulitiko. Wala kaming pakialam kung malakas ang kapit mo sa kanila. Huwag na ding ilagay ang principal o teachers mo nung high school at elementary baka naman kasi hindi ka na nila kilala.
  12. Autograph?! – sa hulihang bahagi lagi akong may nababasa na parang ganito… “I hereby declare that the above mentioned information are true to the best of my knowledge…” Tapos biglang maglalagay ng signature. Para kasi akin hindi na ito kailangan. Hindi naman ito parang kontrata na kailangan kang pumirma. Ang lahat ng company ay gumagawa ng character investigation. Kaya malalaman at malalaman namin kung lahat ng pinagsasabi mo ay totoo. Gayundin…ang pag-alam ng katotohanan ang silbi ng interview. Wala naman kaming iniisip na sinungaling ka o kung anuman. Kaya wag nang parang defensive sa resume mo.
  13. Creativity naman d’yan – laos na ang paggamit ng Times New Roman. Medyo nakakainis na din tingnan ang Arial.  Sumubok naman ng iba. Pero huwag naman gawing parang school project ng elementary student ang resume mo. Yung madaling basahin na fonts pa din ang gamitin. Maari kang magdownload ng font sa www.dafont.com. Libre ito. Sumubok din ng ibang kulay ng fonts. Huwag laging itim. Huwag lang gawing parang rainbow ang resume mo. Kunin ang pinakadark sa mga colors. Tapos ay lakihan ng kaunti ang letra ng iyong pangalan na dapat ilagay sa taas na bahagi ng iyong resume. Ito dapat ang unang makita ng recruiter o HR Rep. Para maging kapansin-pansin din ang resume mo, huwag nang gumamit ng white bond paper. Instead, sumubok ng mga papel na may kulay. Huwag naman sana yung masakit na sa mata. Sa isang daang resume na lahat ay kulay puti ang papel, mas mapapansin ng HR Rep kung kakaiba ang sa iyo. Naglalarawan din ito na isa kang unique na tao.
  14. Ang laki naman n’yan – meron akong mga nakikita na para mapahaba lang ang resume nilalakihan ang mga font size at super sa spacing ang ginagamit. Ok lang naman kahit isang page lang ang resume mo. Huwag naman gawing over sa laki ang font size para lang humaba ang resume mo.
  15. Ang haba naman n’yan – huwag gawing parang thesis ang resume. Nakakainip basahin ‘yung iba na parang nagyayabang na sa dami ng awards at experiences. Tapos ipapaliwanag pa ng isa-isa ang mga ito na para bang ginagawa ng bobo ang mga babasa nito. Kung pwede lang ay limitahan hanggang dalawang pages ang resume. Ilagay lamang ang mahahalagang impormasyon tungkol sa iyo.

Isa pa sa pinakagusto kong bahagi ng pagiging HR Rep ay ang pag-iinterview ng mga aplikante. Madami na din ang nainterview ko nitong mga nakaraang araw at lahat naman sila ay nakapasa sa akin. Masasabi kong mabait ako bilang HR Rep (siguro ngayon lang) dahil lahat pinapasa ko sa interview. ‘Yung hiring manager na lamang ang bahala kung ipapasa sila or hindi. Basta ako kapag sumipot sila sa interview at maayos naman silang sumagot sa tanong…pasado na!

Ang sobrang ayoko lang ay ‘yung mga tinatawagan tapos magcoconfirm na dadating sila tapos pagdating ng araw ng examination/interview wala naman sila. Sorry pero para sa akin block listed na kayo. Lalo na dun sa mga nag-aapply sa internet. Pwede naman kasing magpareschedule kung hindi pwede sa araw na ‘yun. Kayo din baka hindi kayo matanggap sa ibang kumpanya dahil block listed na kayo. Eh ang dami pa naman sister companies ng pinagtatrabuhan ko ngayon. Kahit nga ang madalas aplayan ng mga jobseekers sa internet eh sister company din namin. Kaya ingat na lang!

Akala ng iba madali ang buhay ng isang HR Representative. Akala ko din dati ganon. Pero mahirap din pala. Madami kang kailangan asikasuhin at madami kang kailangan pakinggan. Madami kang kinakausap araw-araw maging mga applicants for interview o ‘yung mga empleyado na may mga concerns na kailangang pagtuunan ng pansin. Alam kong hindi lamang ito ang trabaho ng isang HR Rep. Sa mga darating na buwan at darating na taon ay madami pa akong matutunan. Kung ano man ang mga ito…

I’m ready!

 

2 comments

  1. I’m a graduating student this March 2012 and I happen to read your article. Thank you for sharing some tips on how to write and present a very impressive yet simple resume. It’ll help students like me a lot. I hope you don’t mind if I share this article with my friends. Thank you again!🙂



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: