h1

Isang Pamamaalam…

July 21, 2010

“Ang kamatayan ang patunay na tayong lahat ay babalik din sa Kanya.”

In Memoriam

Augustin B. Manalo

(April 17, 1941-July 14, 2010)

July 2 nang sumambulat sa amin ang masamang balita na nasa ICU si Lolo Gusting. Si Lolo Gusting ay ang isa sa mga pinsan ng aking Lola. Hindi ko alam kung pang-ilang degree ko na s’ya kamag-anak pero malapit ako sa kanya bata pa lang ako. Siya din ang isa sa mga tumayong ninong sa kasal ng aking mga magulang.

Nakilala ko si Lolo Gusting na isang masayahin at maliit na tao. Kaunti lang naman ang matatangkad sa pamilya namin at isa ako sa mga nagmana sa kanya. Nakilala ko din siya bilang isang babaero. Madami siyang naging anak sa ibang babae. Bata pa lamang ako ay kilala ko na kung sino ang mga babaeng naging bahagi ng buhay niya. Hanggang namayapa ang kanyang tunay na asawa limang taon na ang nakararaan. Hindi ko lubos na kilala ang kaniyang mga anak lalo’t higit ang kaniyang mga anak sa ibang babae. Nakikita ko lamang sila kapat may minsanang family reunion. Subalit kahit kailan ay hindi niya itinago ang kanyang mga anak at pinilit na mapabuti ang kalagayan ng mga ito.

Dumating ang July 14, may nagtext sa aking ama na nagsabing pumanaw na ang aking Lolo Gusting. Hindi na kinaya pa ng aking Lolo Gusting at bumitaw na siya sa buhay dito sa lupa.

Isa din si Lolo Gusting sa mga nangumbinsi sa akin na maging abugado. Kaya naman humihingi ako sa kanya ng patawad at hindi ko natupad ito. Mahirap po kasi….hindi kaya ng powers ko ika nga. Pero kapag nagkita na tayo sa langit sigurado akong ipagmamalaki mo sa mga anghel dyan.

July 17 nang kami ay magpunta sa kaniyang bahay sa Liliw, Laguna upang dalawin ang kanyang mga labi. Matahimik ang bayan ng Liliw na wari bang ang lahat ng tao ay nakikiramay sa bawat isang pumanaw sa kanilang lugar.

At dahil kilala ang bayang ito sa kanilang mga pagawaan ng tsinelas, bumili na din kami ng mga tsinelas doon. Nakabili kaming magkakapatid at nang makita ng iba pa naming mga kamag-anak ay nais din nilang magpabili sa aming pagbabalik. Maganda at matibay talaga ang mga tsinelas na gawang Liliw. Parang si Lolo Gusting, na pinagtibay ng mahabang taong ng kanyang karanasan at pakikihamok sa buhay.

Ang bandang tumugtog sa libing ni Lolo Gusting

July 20 nang inihatid sa huling hantungan si Lolo Gusting. Natuwa ako sa kakaibang istilo ng pakikipaglibing ng mga taga-Liliw. Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang tugtog ng banda. Hindi malungkot ang tugtog. Hindi ka talaga maiiyak kung ang tugtog ay maari mong sayawan ng Cha Cha.

Naikwento pa sa amin na sa huling gabi ng bawat lamay sa bayang ito ay nagkakaroon ng “Videoke Nights.”  Talagang pati ang kaluluwa ng patay sa Liliw ay hindi malulungkot dahil sa dami ng mga taong nagsasaya sa kanyang lamay hanggang sa libing.

Talagang kakaiba ito para sa amin sapagkat ang lamayan dito sa amin sa San Pablo ay talagang nagdadalamhati ang bawat tao. Maliban na nga lamang sa mga sugalan na hindi nawawala para daw hindi mainip ang mga naglalamay.

Nakakatuwa pati ang mga tsinelas ng nakikipaglibing dahil may sticker pa ng kung anong size ng kanilang binili. Halatang gawang Liliw.

Kumurot sa aking dibdib ang isang linyang sinabi ng isa sa kanyang mga anak:

“Hindi ka man naging perpektong ama para sa amin, pinilit mo namang iayos ang aming katayuan. Wala kami sa kinatatayuan namin ngayon kung hindi dahil sa’yo.”

Masasabi nating simple at lagi nating naririnig ang linyang iyon, pero sa lahat ng mga nakakakilala kay Lolo Gusting at sa kanyang mga pinagdaanan, kukurot talaga sa puso mo ang bawat salitang iyon.

Lolo Gusting…maraming salamat sa bawat inspirasyon at sa bawat tuwa. Mananatili kang bahagi ng aming puso at ng aming alaala. Ipaabot mo sa Maykapal ang lahat ng aming panalangin at gabayan mo kami sa araw-araw na pakikipaglaban namin para mabuhay.

Paalam Lolo Gusting…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: