h1

Bumoto Ako!

May 12, 2010

“Ang bawat botante ay taong nagmamahal sa bansa at ikinararangal ang pagiging Pilipino. Sila ang mga taong nangangarap ng pagsisimula ng pagabago sa ating bansa.”

Inaamin ko isa ako sa uminit ang ulo dahil sa sobrang haba ng pila sa botohan noong Lunes. Dumating ako sa lugar na aking pinagbotohan ng 6:30 ng umaga para makaiwas sana mahabang pila. Subalit kabaligtaran noon ang ang aking nakita. Mga taong hindi alam kung saan pupunta at isang hindi organisadong eleksyon ang aking nadatnan. Humantong pa ito sa panunugod ko sa isang teacher upang itanong kung bakit hindi nila inaasikaso ang mga bagong dating na bontante na hindi alam kung saan pupunta at kung paano boboto. Napansin ko kasi na minsan ay pinapasingit nila ang kanilang mga kakilala upang makaiwas sa mahabang pila-isang hindi mawawalang ugali ng mga Pinoy.

Dalawang oras akong pumila!

Kumalma din ako nang makita kong malapit na ako sa aking presinto at nakipagtawanan sa mga kakilala kong nasa pila. Siguro excited lang akong bumuto. Sa mga nakaraan kasi ako at ang aking ama at ina ang laging nauuna sa aming presinto kapag halalan. Samantalang ngayon ay napag-iwanan na kami. Madami nang nakapag-itim sa bilog na hugis itlog at nakapagpasok ng balota sa PCOS machine at madami na ding nalagyan ng indelible ink.

Mabagal ang takbo ng pila. Marahil nangangapa pa ang mga tao sa bagong sistemang ng pagboto. Nahihirapan silang hanapin ang mga kandidato na nais nilang ihalal at dahil na din gusto nilang maging maganda ang pag-itim sa bilog na hugis itlog. Nakakaba kasi ito. Iniisip kasi natin na baka iluwa ng PCOS machine ang ating balota at hindi mabilang ang ating sagradong boto.

Naisip ko din na umuwi na lamang kaysa magtiis ako sa haba ng pila at init ng panahon. Pinatibay ng isang matandang halos hindi na makalakad ang aking loob. Akay-akay siya ng kaniyang apo papunta sa kanyang presinto. Bumilib ako sa kagustuhan pa niyang makisali sa isang mahalagang pangyayari sa ating bansa.

Tuwang-tuwa ako at halos lumundag ang aking puso habang kinukuha ko ang aking balota na medyo naudlot pa dahil pinauna ko ang dalawang senior citizens. Umupo na ako at nilabas ang aking kodigo. Medyo nanginginig pa ang aking kamay habang iniitiman ko ang bilog na katabi ng pangalan ng napili kong pangulo. Hanggang sa nasanay na ako at tuloy-tuloy ko nang initiman ang mga sumusunod pang bilog na hugis itlog.

Mabilis akong natapos sa pagboto. Sa aking tingin ay humigit-kumulang limang minuto lamang ang tinagal ko sa pagboto. Napakabilis kumpara sa pagpila ko ng dalawang oras. Pigil ang hininga ko habang pinapasok ko sa PCOS machine ang aking balota. At halos gusto kong tumalon sa tuwa ng makita ko ang mensahe sa PCOS machine na nagsasabing: “Congratulations! Your ballot has been accepted!” Proud din ako na palagyan ng indelible ink ang kuko ko. Kung pwede nga lamang ay punuan ng ink ang kuko sa aking kanang hintuturo.

Lumabas ako sa aking presinto na abot hanggang tenga ang ngiti at parang hindi ako yung botanteng namumula sa galit sa pagbubukas ng botohan.

Sa pag-uwi ko ay agad kong kinuha ang aking camera at kinuhanan ko ng litrato ang aking hintuturo. Pinost ko ang larawan sa aking facebook account maging sa fan page ng blog ko. Naglagay pa ako ng quotation sa larawan na nagsasabing:

Yesterday was for my mother. Today is for my Motherland. I’m proud to be Pinoy! (Ang kahapon ay para sa aking ina. Ang ngayon ay para sa aking Inang Bayan. Ikinararangal kong maging Pinoy!)

Ito ay dahil sa pagdiriwang ng Mother’s Day noong Linggo at dahil na din sa pagbibigay ko ng parangal at importansya sa aking ina kung saan nakuha ko ang matibay na pagmamahal ko sa aking bayan at nagturo sa akin na maging masigasig sa pakikilahok sa usapin na nangangailangan ng partisipasyon ng bawat isang Pinoy.

Kahit napagod ako sa pagboto hindi ako natulog para magpahinga. Binuksan ko ang telebisyon upang manood ng balita tungkol sa nagaganap na halalan. Nakatawag-pansin sa akin yung ibang mga pulitikong naghahasik pa din ng kaguluhan sa ilang mga lugar sa bansa lalo na dun sa pinakamahihirap na lalawigan sa Pilipinas. Kung saan kasi ‘yung pinakamahihirap na lalawigan doon din yung pinakamagulo kapag eleksyon. Hindi ko lang malaman kung ano ang hangarin nung mga pulitikong pumapatay para magkaroon ng posisyon sa pamahalaan. Ano ba talaga ang depinisyon nila ng serbisyo sa publiko? Hindi ko sila maintindihan. At hangga’t may dumadanak na dugo tuwing eleksyon, hindi ko sila maiintindihan.

Sobrang bilis din ng bilangan at sa sobrang bilis nito ay hindi nagkaroon pa ng pagkakataon ang mga mandaraya upang gawin ang nakasanayan nilang gawain. Palagay ko naman sa halalang ito, boses ng nakakarami talaga ang nanaig. Ang dalangin ko lamang ay sana tama ang sinisigaw ng boses na ito.

Natuwa sa mga kandidato na maagang tinanggap ang kanilang pagkatalo. Ito ay hindi pangkaraniwang gawi ng mga pulitiko sa ating bansa. Kaya naman saludo ako sa kanila. At ‘yung iba na hindi pa din umaatras hanggang ngayon sa kabila ng laki ng agwat sa pagitan nila at ng kanilang katunggali…trapong-trapo ang tingin ko sa kanila. Hangga’t nandiyan sila ay hindi uusad ang ating bansa. Hangga’t may trapong nanloloko at may botanteng nagpapaloko…walang mangyayari sa ating bansa.

Nais ko sanang ilagay dito kung sino ang binoto ko pero sa tingin ko ay hindi na ito mahalaga. Marahil ang nararapat na lamang nating gawin ay patuloy nating iparinig sa mga nanalong kandidato ang ating tinig sapagkat ito ay ang himig ng demokrasya. Ibinoto man natin sila o hindi ay nararapat lamang, sa aking palagay, na ibigay natin sa kanila ang isang daang bahagdan ng ating suporta. Tayo ang kanilang magiging lakas at pag-asa.

Ibukas din natin ang ating mga mata at patuloy na makialam sa bawat pagdedesisyon ng ating pamahalaan. Bantayan natin ang ating mga pinuno at huwag tayong mag-atubili na ihinto ang mga plano nilang sirain ang tiwala na binigay natin sa kanila.

Patuloy tayong magkaisa para sa ating maunlad at nagkakaisang Pilipinas!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: