h1

A Day with the Presidentiables

February 9, 2010

“Ang isang pinuno ay nararapat na pagkaisahin ang kanyang mga taga-sunod at pag-ugnayin sila bilang mga tunay na tao.”

Ang walong presidentiables na dumating sa debate ay sina Sen. Noynoy Aquino, Coun. JC delos Reyes, Sen. Dick Gordon, Sen. Jamby Madrigal, Mr. Nicky Perlas, Sec. Gibo Teodoro, Bro. Eddie Villanueva at Sen. Manny Villar

Ikaanim ng umaga, umalis ako sa aming bahay patungong Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman. Napagkasunduan naming magkita ng aking kaibigan sa isang lugar malapit sa UP ng 8:30 ng umaga. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay walang mga bus na byaheng Cubao. Natagalan ang mga bus dahil sa traffic sa bandang Candelaria. May isang insidente ng barilan na naganap doon ng umagang iyon. (Please see news about Candelaria Shootout.)

Buti na lamang ay naroon ang isa ko pang kaibigan na kasama ko sa pagsakay ng bus. Sunod-sunod ang mga bus. Subalit dalawang punong bus ang lumampas. Hanggang sa dumaan ang isa pang maluwag na bus. Marahil ay nakasakay na ang mga pasaherong matagal nang naghihintay.

Medyo natagal kami sa byahe. Traffic pa din sa SLEX. Marahil dahil inabutan na kami ng rush hour.

Bumaba na ako ng Magallanes upang sumakay na ng MRT para mapabilis ako ng byahe dahil halos isang oras na naghihintay ang aking kaibigan. Nang kami ay magkita sumakay na kami ng MRT patungong UP Theater.

Madami nang tao nang dumating kami sa UP Theater. Madaming mga taga-suporta ang bawat kandidato. Iba’t ibang kulay. Iba’t ibang mga mukha. Iba’t ibang sigaw. Para sa iba’t ibang kandidato.

Mainit ang sikat ng araw. Pero hindi alintana ng mga taga-suporta ang init nito. Nandoon sila para sa kanilang kandidato. Sana dahil sa paniniwala at hindi sa kung ano pa man.

Pati sa entrance patungo sa UP Theater nagkakagulo na ang mga tao. Nais nilang pumasok lahat lalo na yung mga estudyante ng UP. Pero pinauna muna kaming may mga  hawak na tickets.

Medyo madami na ding tao sa loob lalo sa harap. Nasa bandang gitna kami. Ilang sandali lamang at nagsimula na ang debate.

Ipinakilala ang mga kandidato. Hindi nakarating ang dating Pangulong Estrada. Ayon sa kanyang tagapasalita, ang pahayagang Inquirer ay parating bias laban kay Erap na maaring mas makasama na dumalo siya sa debate.

Sabi ko sayang naman. Hindi ko makikita ang karisma ni Erap sa publiko. Pero ganoon pa man, maging maiinit at minsan ay katawa-tawa ang debate.

Hindi pa rin napigil ang pagtutsadahan nila sa isa’t isa. Sabi nga ng kaibigan ko, si Manny Villar ang pinakanakakaawa sa debate. Dahil halos lahat ng mga presidentiables ay may nasabi tungkol sa kanya. Pero kahit siya ay may mga pinatamaan din.

May mga panelist para sa iba’t ibang mga aspeto ng pamamahala ang nagtanong. Meron din na galing sa audience. At tinanong din ang mga katanungang galing sa mambabasa ng pahayagan kung saan kabilang ang aking tanong. Sa kasawiang-palad, hindi tinanong ang aking pinadala.

Ito ang aking komento sa bawat isang kandidato:

Sen. Noynoy Aquino

Direct to the point sumagot sa mga tanong si Noynoy. Walang paligoy-ligoy. Walang arte. Kung anong tanong, ayon lamang ang sagot. Gusto ko yung mga pagkakataong pinaninindigan niya ang kaniyang mga pananaw at plataporma. Ikalimampung taong kaarawan ni Noynoy kahapon, February 8.

Coun. JC delos Reyes

Matalino si JC. May mga pagkakataon nga lamang na matagal siyang sumagot sa mga tanong. At minsan din ay hindi mo maintindihan. Marahil ay hindi pa talaga siya hinog sa larangan ng politika.

Sen. Dick Gordon

Hindi mo maitatanggi na matalino talaga si Gordon. Lahat ng sinasabi niya ay kaniyang pinag-iisapan at batay talaga sa mahabang taon niyang karanasan sa pamamahala. May conviction talaga siya kung sumagot.

Sen. Jamby Madrigal

Gustong-gusto ng mga tao ay maraming beses na patutsada ni Jamby tungkol kay Manny Villar. Hindi ko din makakalimutan nang tinanong siya kung magkano ang isang kilo ng galunggong at itlog na pula. Sabi n’ya: “I think it’s about P60 per kilo?” Napasigaw ang audience ng isang malakas na: “No!!!” Matapos ay bigla siyang kumabig at sinabing vegetarian siya. Ito ang kumpletong teksto ng sagot ni Jamby.

Mr. Nicky Perlas

Makikita mo din ang mga ninanais ni Ginoong Perlas para ating bansa. Magugustuhan mo talaga ang sagot niya tungkol sa kalikasan. Subalit para sa akin ay hindi pa siya handa sa pagiging pangulo. Ang mas maganda siguro ay gawin siyang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources o ng Department of Agriculture. Dito marahil siya magiging mas epektibong pinuno.

Sec. Gibo Teodoro

Walang duda talaga sa katalinunahn ni Gibo. Maiintindihan mo talaga ang bawat salitang kanyang sinasabi. Hindi siya nagpahuli sa dami ng kanyang mga suportang sumalubong sa kaniya. Makikita mo sa kanyang pagsagot na hindi siya tuta ng kasalukuyang administrasyon. Pinanindigan niya na magkaiba sina Gibo at Gloria.

Bro. Eddie Villanueva

Hindi maitatanggi na hindi mahihiwalay ni Bro. Eddie sa kanyang pagsagot ang tungkol sa relihiyon. Binanggit din niya ang mga ginagawa sa ibang bansa na maaaring gawin din dito sa Pilipinas. Alam mo sa kanyang mga sinasabi na minsan ay nating guro siya.

Sen. Manny Villar

Sa loob at labas ng UP Theater ay makikita mo ang madaming suporta ni Villar. Hindi mo maiintindihan ang iba niyang mga sagot sa tanong. Pero makikita mo din na lahat ng ito ay tungkol sa kaniyang pag-aasam na maiahon ang bawat Pilipino sa kahirapan. Hindi din siya nagpatalo sa mga nagpatutsada sa kanya.

Pasado nang alas dose ng tanghali natapos ang debate. Nasa labas pa din ang mga taga-suporta ng mga kandidato. Yung iba pa nga ay nagsisigawan at nagsasayawan.

Sa debatang naganap, sinagot ng mga kandidato ang bawat tanong sa kanila. Inihain nila ang kanilang plataporma. Maaring ang iba ay totoo at ang iba ay nanloloko lamang. Ang kinabukasan ng ating bansa ay sinasabing nakasalalay sa isa sa kanila. Pero marahil ay mas magandang isaisip ng bawat isang Pinoy na ang kinabukasan ng ating bansa ay nakasalalay mismo sa bawat isa sa atin. At ang kailangan lamang ay ang matalinong pagpili ng mamumuno sa akin.

Ang debate ng Inquirer ay nagpaliwanag sa aking isip kung sino ba talaga ang aking iboboto at kung anong plataporma ang aking tatangkilikin. Dumalo ako nito sapagkat ayokong sayangin ang aking boto sa darating na halalan.

Totoo nga ang sinasabi ng isang network na…

Ako ang simula!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: