h1

Ang Sampaloc Lake ng San Pablo City

February 2, 2010

“Hilumin ang sugat ng Inang Kalikasan at kasunod nito’y paghilom sa ating sarili.”

San Pablo City's Sampaloc Lake

Kamakailan nagkita kami ng aking mga kaibigan noong kolehiyo. Napagkasunduan naming mamasyal sa Sampaloc Lake. Matagal na din kaming hindi nakakapamasyal dito. Minsan kasi pagtatawanan ka lang ng ibang tao kapag sinabi mong mamasyal ka sa paligid ng lawang ito. Madami na daw kasi pasyalang mall sa Maynila at mga karatig-bayan ng San Pablo. Bakit mo pa pipiliing mamasyal dito?

Ang lawang tao ay naging bahagi na ng pagkatao ng bawat isang San Pableño. Hindi ka taga-San Pablo kung hindi ka pa nakapunta dito.  Kapag binanggit pa ang aming lungsod, ang unang maiisip mo ay ang aming mga lawa.

Naalala ko pa nung ako ay nasa elementarya. May kanta kami patungkol sa mga lawa ng San Pablo. Kaya mula elementary kabisado ko ang pitong lawa ng aming lungsod. Ito ay Sampaloc, Bunot, Yambo, Pandin, Muhikap, Kalibato at Palakpakin. Ang nakakahiya lang ay Sampaloc Lake pa lamang sa pitong lawang ito ang aking nakikita. Yung iba alam ko kung nasaan pero hindi ko pa nakikita ng personal.

Saksi din marahil ang lawang ito sa pag-iibigan ng bawat isang taga-San Pablo. Sapagkat isa ito sa mga pinipiling pasyalan ng mga magkasintahan. Mahangin nga naman sa lugar na ito. Madami kang mauupuan. Madami kang makakainan. At magandang pagmasdan ang lawa. Minsan nga lamang pati hangin ay amoy isda. Pero para sa akin, ang bawat hampas ng hangin na nagmumula sa lawa ay bulong ni Inang Kalikasan na nagsasabi alagaan ang aming lawa.

Nakakatuwa ding pagmasdan ang mga turista na namamasyal sa lawa. Kumukuha ng mga larawan at namamangka sa lawa. Kung pag-iibayuhin lamang ang pagpapaganda dito, madami pang turista ang sasadya dito na magbibigay din ng maraming trabaho sa mga taga-San Pablo.

Nalungkot nga ako ng makita ko ang paninirang ginagawa sa paligid ng lawa. Hindi ko maiwasang maisip kung bakit kailangan pang sulatan ng kung ano-ano ang mga pader at iba pang mga nakatayo sa paligid ng lawa. Hindi naman siguro nila ikasisikat kung isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito. Bakit ba pati numero ng kanilang mga cellphone ay sinusulat pa dito? Huwag naman gawing isang malaking directory ang paligid ng lawa. Kung pangalan ko ang nandoon, mahihiya pa ako. Mahihiya ako sapagkat sinisira ko ang lawa. Sinisira ko ang aking bayan. Sinisira ko ang aking sarili.

Ang isa pang nakakalungkot ay nang mabalitaan ko na may napatay malapit dito nang hindi niya ibigay ang cellphone sa holdaper.  Kung ganito lamang ang ibabalita natin tungkot sa ating lawa, baka dumating ang panahon na wala nang mamasyal dito dahil sa takot. Ang kailangan siguro ay ang marami pang pa-ilaw sa paligid ng lawa gayundin ang mga pulis na magbabantay sa seguridad ng mga tao dito.

Isa na din ito sa pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga San Pableño. Nakakakita pa ako ng mga mangingisdang sa kalagitnaan ng sikat ng araw. Ang hindi ko lang lubos maisip ay kung bakit pagdating sa palengke sinasabi nilang galing sa ibang bayan ang mga isda. Iniiwasan daw kasi ng mamimili ang galing sa Sampaloc Lake dahil lasang putik daw ito. Pero sa tinagal-tagal kong kumakain ng galing sa lawang ito, kahit minsan wala pa akong natikman na lasang putik. At kahit kailan hindi pa ako nalason ng mga isda dito. Huwag na lamang siguring dumihan ang lawa. Maglagay ng mga basurahan sa paligid nito upang hindi na itapon sa tubig ang kanilang mga basura. At gayundin ang palagiang paghahakot ng mga basurang ito.

Hindi na kailangang pang ituro ang mga mungkahi ko para sa pagpapaganda ng lawa. Ito na dapat ang pangunahing ginagawa ng mga tao at organisasyong nangangalaga dito. Hindi ko lang alam kung nakakalimutan nila o ayaw lang talaga nilang gawin.

Nararapat lamang na habang maaga pa ay magising na tayo sa kahalagahan ng lawa ng San Pablo. Ang mga lawang ito ay bahagi na ng ating kasaysayan. Saksi ang mga ito sa daantaong pakikibaka ng mga taga-San Pablo. Kung pababayaan natin ito, parang pinabayaan na din natin ang ating kasaysayan, kultura at tradisyon.  Maging ang ating sarili at kinabukasan ng ating mga anak ay ating pinabayaan kung unti-unti nating papatayin ang ating mga lawa. Huwag na nating hintaying mawala ang mga isda at maging kulay putik ang tubig dito para tayo ay gumalaw. Hindi pa huli ang lahat. Magsama-sama tayo para sa pagpapaganda at pangangalaga ng ating lawa.

Let’s save our lakes!

3 comments

  1. Tama ka kabayan. Maganda ang lawang Sampaloc at isa iyan sa mga lugar na naging malaking bahagi ng aking kabataan. Diyan sa lugar na iyan kami lumaki habang nagpapalipad ng bulador. Diyan ko rin unang namalayan ang halaga ng lawa bilang isang pamalagian ng mga mapagmahal sa kalikasan, kasaysayan, o kultura. Salamat sa iyong isinulat, nalaman kong may nagmamalasakit pa rin sa lawa at sa lungsod ng San Pablo. I hope we can spread the word and reap a reward for all of those who care and love our city – the city of 7 lakes.


    • Maraming salamat kabayan! Nawa ay huwag ipagdamot iba pa nating kababayan ang ating mga lawa sa mga susunod pang henerasyon ng San Pableño. Magsama-sama tayo para pangalagaan ito.


  2. mabaho na ang tubig ng lawa, puro bahay na rin around it, hindi kagaya noong bata pa ako, diyan ako nag-jojogging noon sana alisin na lang ang mga palaisdaan na pagaari lang ng maiimpluwensyang tao sa san pablo



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: