h1

Simpleng Kasal

January 28, 2010

“Dalawang kaluluwa na iisa ang isipan. Dalawang puso na iisa ang tibok.”

Ang simbahan kung saan ginanap ang simpleng kasal

Kamakailan sinamahan ko ang aking mga magulang upang maging ninong at ninang sa kasal ng anak ng isa  naming kasambahay. Sanay na ako sa pagsama sa mga ganitong okasyon. Natawid na namin ang ilog, dagat at bundok para lamang samahan ang aking mga magulang para mag-anak sa kasal.

Simple lamang ang buhay ng aming kasambahay. Nagmula sila sa Bicol. Lumipat sa bayan namin para makipagsapalaran. Siyam ang anak nila. Yung iba nawala na lang. May isa nasa bilangguan. Pati yung pamilya ng groom simple lang din ang pamumuhay.

Pero sa kabila ng paghihirap sa buhay, hiniling nilang sa simbahan sila ikasal. Kahit walang gayak ang simbahan. Kahit walang camera. Kahit walang video. Kahit walang masyadong tao. Tuloy ang kasal.

Hiniling pa nila akong maging photographer. Para naman daw may memorabilia ang kasal. Hindi ako magaling sa pagkuha ng litrato. Wala naman akong DSLR (bagama’t gusto kong magkaroon nito). Digicam na lang ang ginamit ko. Hiniling na lang ng aking ina sa akin na maging photographer sa kasal.

Natatawa nga ako sa sabi ng lolo ko. Siya na lamang daw ang walang papel sa kasal.  Baka daw kausapin na siya para magkasal sa kanilang dalawa. Kasi ba naman, ang magulang ko ninong at ninang. Tapos nanghiram pa ng pera para sa reception ng kasal. Tapos hiniram pati sapatos ng nanay at tatay ko. Pati barong tagalog ko. Pati na rin yung isa sa mga gowns ng nanay ko. Pati yung panloob ng barong. Pati na rin pantalon. Pero naiintindihan naman namin yun.

Maaga kami sa simbahan. Halos kami na nga ang nagbukas. Nakalagay kasi sa invitation 9AM ang kasal. Pero ang katotohanan 10AM pala magsisimula. Nagsimula na lang ako kumuha ng mga litrato. Nagpractice muna ako. Hanggang sa dumating na unti-unti ang mga tao. Hanggang sa nagsimula na ang kasal.

Medyo nakakahiya pala kumuha ng pictures. Kasi lahat ng tao nakatingin sa’yo. Lalo na pag pupunta ka sa unahan. May mga pagkakataon nga na sumesenyas na ang aking ina para kumuha na ako ng litrato.

Natuwa naman ang pari sa kasal. Kasi ang inintindi lamang ng mga kakasalan ay ang mismong kasal at hindi ang kung ano-anong bagay na maari namang hindi isama sa kasalan.

Mabilis natapos ang kasal. Hindi mahaba ang seremonya. Hindi mahaba ang homily. Medyo madami din akong nakuhang pictures.

Meron ding reception. Kaunti lamang ang handa pero madami pa din ako nakain.

Kung ganito lamang ang iniisip ng mga Pinoy tungkol sa kasalan. Marahil ay kakaunti na lamang ang nagsasama na walang basbas mula sa simbahan. Ang pananaw kasi ngayon dapat magarbo ang kasalan. Dapat mahal ang pangkasal. Dapat madaming bisita. Dapat maganda ang simbahan. Pero kung tutuusin, ang mahalaga lamang ay ang pagmamahal ng magkapareha sa isa’t isa at ang kanilang magiging pangako sa isa’t isa na pagsasama ng habangbuhay.

Pagdating sa bahay ay inedit ko ang mga pictures at gumawa pa ako ng photo montage para regalo ko na din sa kanila. Inabot ko ito sa tuwang-tuwa naming kasambahay.

Ito ang ilan sa mga larawan na kuha ko sa kasal. Minarapat kong hindi ipakita ang mukha ng mga kinasalan at ang iba pang tao na dumalo sa kasalan upang hindi mapanghimasukan ang kanilang pribadong buhay.

Mabuhay ang bagong kasal!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: