h1

Nais Ko Muling Sumayaw

December 3, 2009

“Ang pagsasayaw ay pangarap. Pangarap na dapat tuparin.”

Mahalaga sa mga Pilipino ang sayaw. Sayaw ang isa sa mga sining na humuhubog sa ating kultura at tradisyon. Sa Pilipinas nga daw may sayaw ang bawat rehiyon, bawat lalawigan at ngayon pati bawat bayan.

Ang bawat bayan ngayon may sariling mga festival. Lahat ng bagay ginawan na ng festival. Mula sombrero hanggang tsinelas. Mula langgam hanggang kalabaw. Mula niyog hanggang pandan. Mula bangus hanggang itik. Mula kalamansi hanggang pinya. Mula kahoy hanggang putik. Mula banig hanggang kulambo. Lahat na ata ng bagay ginawan na ng festival. At sa lahat ng mga festival na ito hindi mawawala ang mga streetdancing competition.

Tatlong beses din akong nakaranas sumali sa streedancing competition dito sa aming bayan. Hindi ito madali. Mula sa ilang araw na pag-eensayo sa ilalim ng init ng araw hanggang pagsapit ng dilim. Masakit na ang buo mong katawan sige pa din sa pagsayaw.

Talaga namang malapit sa puso ko ang pagsasayaw. Mula elementarya hanggang kolehiyo nagsasayaw ako. Kahit nung magtrabaho ako, maraming beses din akong sumayaw para sa mga events namin.

Lahat na din ng uri ng sayaw ay nagawa ko na. Mula folk dance hanggang hip hop. Mula ballet hanggang ballroom. Kahit cheerdance nagawa ko na din. Nung magaan pa nga ako gustong-gusto kong binubuhat ako at hinahagis sa ere. Masaya ako pag sumasayaw. Kahit hindi ako ihagis, lumulutang na ang aking pakiramdam.

Matagal ko na din itong hindi nagagawa. Hinahanap ng aking mga mga galaw at indak ang palakpakan at hiyaw ng mga manonood. Hinahanap ng aking paa at kamay ang ingay at dagundong ng musika. Hinahanap ng aking indak at giling ang ilaw at kurtina ng entablado Hinahanap ng aking puso ang pagsasayaw.

Nais ko muling sumayaw. Nais ko muling umindak ng mga emosyong mananalaytay sa isipan ng mga tao. Nais ko muling sumayaw sa sa saliw ng tugtog na sumasabay din sa tinig ng kapaligiran. Nais ko muling igalaw ng aking katawan ang tuwa, hapis, ngiti, galit, pagsuko at pagbubunyi.

Maghihintay ako sa araw ng muli kong pagsayaw…

Maghihintay ako…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: